“Iniibig ko ang Pilipinas, aking lupang sinilangan, tahanan ng aking lahi, ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan upang maging malakas, masipag at marangal.”
Dahil mahal ko ang Pilipinas, ipagmamalaki ko, ako ay Pilipino!
Sa halos araw-araw na namumutawi sa labi ng nakararami ang mga linyang nagmula sa ating panata para sa bayan, ganap nga kayang naisasapuso ng bawat isa sa atin ang tunay na diwa ng mga salitang ating sinasambitla? Mga salitang pawang nagtataglay ng pagmamahal sa bayan, pagkalinga sa kapwa, tungo sa pagkakaisang hinahangad na bunga ng nasyonalismo.
Ngunit, ano nga ba ang tunay na kahulugan ng nasyonalismo?
Sa lahat ng naririto, nais ko po sanang inyong muling sulyapan ang ating kasaysayan. Noong mga panahong tayo’y napasasakal pa sa mga mapaniil na dayuhan. Mahigit tatlong daang taon tayong sinakop ng mga Espanyol, at sa mahigit isandaang taong pag-aalsa ng ating mga kababayan ay napatunayan ang pagmamahal ng mga kapwa natin Pilipino sa ating bansa. Ibinuwis nila ang kanilang buhay, sumugal sa walang kasiguraduhang tagumpay, para lamang makamit ang matagal nang inaasam na kalayaan at kapayapaan.
Sa kasalukuyan, masasabi nating hindi pa rin nawawala ang diwang nasyonalismo sa ating mga Pilipino. Sa katunayan, maraming pangyayari na ang nagpakita na tayong mga Pilipino ay nagkakaisa para sa ating bayan. Samut-saring unos na ang dumating, iba’t ibang kaganapan na nagpabagsak, nagpalugmok at nagpahirap sa ating bansa. Subalit dahil sa pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa mga kababayan, nagawa nating magkaisa at muling ibangon ang ating Inang Bayan.
Batid ko, hindi magagawa ng mga kapwa natin Pilipino ang lahat ng mabubuting bagay na nasaksihan na ng mundo gayon din ang mga tagumapay na hinangaan na ng daigdig kung wala ang diwang may pagkanasyonalismo. Kagaya nga ng sabi sa isang awitin, “Ako’y isang Pinoy, sa puso’t diwa. Pinoy na isinilang sa ating bansa…”
Salamat sa puso, pusong patuloy na nagpapadaloy ng dugong makabayan sa bawat isa sa atin. Maraming araw pa ang magdaraan, maraming panahon pa ang lilipas, ngunit kung patuloy nating isasagawa ang nasimulang pagpapahalaga sa ating bayan gaya na lamang ng di-pagtalikod sa ating Inang Wika, patuloy na pagtangkilik sa ating kultura’t kabihasnan, higit sa lahat ay ang pagkalinga sa kapwa Pilipino nasaan man tayong dako ng mundo ay nakatitiyak ako sa akong sasabihin. Ilan mang dekada ang magdaan, mile-milenyo mang taon ang lumipas, siguradong ang PAGKAKAISANG dulot ng pagkamakabayan ay mamamalagi sa ating bansa.
Tayo ang lahing Pilipino; matapang, matatag at makabayan. Kagaya nga ng sabi ni Carlos P. Romulo: “Sa aking dugo nananalaytay ang walang kamatayang binhi ng kagitingan.”
Mananalumpati: Georjean Louisse Q. Rivera
Tagapagsanay: Bb. Jaime Andria DS. Sayo
TALUMPATI
Talumpating Handa
Saturday, October 3, 2015
"PAGSULONG NG PAGKAMAKABAYAN TUNGO SA PAGKAKAISA"
Subscribe to:
Posts (Atom)